Friday, April 3, 2009

Pader (Episode 2)

Ang nakaraan...

Oo. Si Chikinini, si Debutant, at si Barbie Doll, minsan ding naging langgam sa buhay ko. Sinubukan kung tulungan sa abot nang makakaya ko. Ang disisyon sa kanila pa rin. Salamat na lang at nakikinig pa rin sila sa akin kahit papaano. Isa akong langgam na hinihingan ng tulong ng iba pang langgam. Para din akong pader na sinasandalan ng langgam para wag mahulog.

Kung ako ang pader na sinsandalan ng langgam, paano ako? Saan ako sasandal? Saan ako kakapit para manatiling nakatayo?

Sa pagpapatuloy...


Nakaharap ako sa laptop ko. Naghihintay na maconvert into movie file ang ginagawa kong presentation para sa project ng isa ko pang estudyante, si Wine Glass. Project at the same time memoir din nila sa teacher nila, si Beautiful.

Pagkalipas ng 48 years na paghihintay, nag lag ang laptop ko sabay hang. Alas tres na ng madaling araw ng mga sandaling iyon. Ilang beses na ring nangyari ang pag lag at pag hang ng laptop ko. Ayaw kasi makipagcooperate ng movie maker sa ginagawa ko eh. Tapos ang sony vegas na video editor masyadong malaki ang kinakain na space. Ang laptop ko pa naman eh, vintage ‘ika nga. Ala akong magawa kundi pagtiyagaan ang movie maker. Pero masyadong malaki ang file na ginagawa ko. Hindi pa rin malinaw kung kelan matatapos ang ginagawa ko. Ang totoo isa lang yan sa mga ginagawa ko. May isa pang brochure na pinapagawa sa kin. Buti na lang natapos ko na nung nagdaang gabi ang pinpagawa din sa ‘kin ng co-teacher ko, si Swangit, ng wedding invitation niya. Kelangan daw ihabol kasi nagagalit na manugang niya. Ayun, pinagpuyatan ko din magdamag.

Pero hindi ko na inantay pa ang isa pang paglag at pag hang ng laptop ko. Sapilitan ko nang pinatay (inoff po) ang laptop ko dahil hindi ko na kaya ang antok. Pinabukas ko na lang. Hinayaan kong lamunin ako ng himbing at maglaro sa aking panaginip.

Kinabukasan, pumasok ako sa skul. Papaakyat pa lang ako sa hagdan sinalubong na ako ng isa ko pang estudyante, si Pakpak, para magbayad ng one thousand five hundred pesos na inutang ko din sa isa ko pag co-teacher, si Alta Sosyodad. Si Pakpak na nangutang sa kaklase niyang si Kim Sam Soon ng one thousand five hundred pesos pandagdag sa skul fees nito. Pinautang naman ni Kim Sam Soon si Pakpak. Ang problema, ang perang pinautang ay pambili pala ni Kim Sam Soon ng ticket papuntang Maynila. Okey na naman sana ang hangarin ni Kim. Nangako naman kasi si Pakpak na babayaran siya sa susunod na lunes. At ngayon na nga ang lunes na iyon. Kung panu nalaman ng nanay ni Kim Sam Soon na pinahiram niya ang pera ay dahil nung magtext back si Kim sana para kay Pakpak, sa ina nito napindot. Ayun napagalitan tuloy siya at hinihingi ang kopya ang ticket niya. Naabutan kong nakahandusay sila sa sahig ng skul at iyak ng iyak si Kim. Ala rin magawa ang mga kaklase niya. Kaya nang lumapit ako, dinulog nila ang problema. Ayun sa tulong ni Alta Sosyodad na solusyunan ang problema. Kaya nang lunes na yun ang bayaran para maibalik ko kay Alta ang perang hiniram na one thousand five hundred pesos.

Mga bandang tanghali ng araw na iyon nakita ko ang isa kong estudyanteng lalaki, si Songster. Kasama ang dalawa pa niyang classmates. Wala. Nag-uusap lang. Umupo ako sa tabi nila at nagsimula uli ng pag-iimbistiga. Si Songster ayun sa aking bubuwit may problema. Nitong mga nakaraang linggo habang papalapit magclosing ay naging pariwara. Tinanong ko ng mga sandaling iyon kung totoo. Honest naman siya. Sinabi niyang may problema daw. Ang problema. Ang girlfriend ni Songster inilayo sa kanya ng mga magulang nito. Siyempre mahal na mahal ni Songster ang babae. Ayaw niya sanang pakawalan. Mahal din daw ni babae si Songster. Naintindihan ko ang posisyon ni Songster. Pero hindi ako nagconclude kaagad. Hindi ko kakilala ang mga parents ni babae. Hindi ko rin alam kung ano ang mga dahilan nila. Ang sinabi ko lang kay Songster, you’re still young and you still have a long way to go. Kung kayo ni babae, kayo. Kung hindi di hindi. Naawa lang daw siya kay babae. Kasi daw masyado itong inaapi ng mga magulang niya at kapatid. Hindi ko alam kung nagsasabi ng totoo si Songster, ang tanging alam ko lang kelangan ni Songster na i-fix ang sarili niya. He has to pick up the broken pieces of himself. Not for anyone else but for himself and for the one he is going to love in the future.

Gabi na ng umalis ako ng iskul, dali-dali akong pumunta ng Mall malapit sa skul namin. Nakita ko duon ang mga studyante ko sa fudkort. Nag-uusap at parang may kinakalabang mga demonyo. Tinawag nila ako at inayang umupo duon sa kinaroroonan nila. Lukot ang mga mukha nila kaya ko tinanong. Anong problema? Sagot ng isa, si Debutant: Daddy may problema. Bakit? Ang naging tanong ko. Ang trainor namin na kinontrata sinisingil na kami. Ah, trainor nila. Sa isang sayawan na final activity nila sa kanilang rythmic activities na subject. Nagbayad na daw sila ng half, kaya lang ayaw maghintay ng trainor ng remaining half. Natakot si Debutant na pagalitan ng kanyang ina at masira ang pangalan niya sa trainor. Ayun, on the rescue na naman ako uli. Tiningnan ko ang pwedeng mangyari sa financial aspect ko. Nag-online ako kung dumating na sweldo namin. Dumating naman siya kaya pinahiram ko na lang ang kalahati ng perang pang allowance ko.

Pagkatapos ng mahabang meeting na yaun sa mall nagpasya na akong umuwi sa dorm. Binalikan ko ang ginagawa kong presentation ni Wine Glass. Umasa ako na sana maging maayos na lahat para matapos na at makapagcheck na ako ng mga final answer sheets ng makapass ako ng grades on time. Eh ang kaso, inabot na ako ng siyam-siyam ganun pa rin ang nangyayari. Maglalag ang laptop saka mag hahang. Nainis na ako. Ayoko na ngang ipagpagpauloy sana. Kaya lang naiisip ko kailangan na nila Wine Glass ang project nila.

Buti na lang may nagtext sakin mga bandang ala una ng madaling araw. Si Rebel. Estudyante ko rin. Kinausap ko at sinsabi ko sa kanya lahat ng nararamdaman ko sa mga sandaling iyon. Sinabi ko kay Rebel na magpapakamatay na ako dahil ayaw pa rin magcooperate ng movie maker. Naghahang pa rin sa t’wing icoconvert ko na sa movie file. Saka ako nakatikim nang panlalait at pag-aalipusta ng aking estudyante. Pinaalalahan niya ako ng mga sinabi ko sa kanya nuong siya’y nasa matinding problema.

Bigla akong natigil sa pag-iisip, pagkurap, at paglunok ng laway. Ano nga ba ang mga sinabi ko sa kanya nuon? Balikan natin ang gabi ng lagim ni Rebel. Si Rebel, matalino, student-leader , may paninindigan. Rebel nga di ba? Minsan gumawa siya ng isang move laban sa mga tagapamahala ng isang kaharian. Ang kaharian na iyon ay tawagin nating “TRALALA”. Okey naman sana ang sitwasyon duon kaya lang may mangilan-ngilang mga incidents na taliwas sa inaakala nila Rebel. Siguro hindi lang naipapliwanag ng maayos ang mga sitwasyon. In other words, misunderstanding.

Takot na takot nuon si Rebel. Akala lang ng lahat malakas siya. Sa ‘kin kumuha ng lakas si Rebel nuon. Sinabi ko sa kanya, huwag mong sisihin ang sarili mo sa mga nangyayari. Things happen for a reason. Lahat may dahilan. Ikaw lang ang naging instrumento na ginawa para sa isang pagbabago. Sinabi niya wala naman daw pagbabago na nangyayari pagkatapos ng ginawa niyang pag-aklas. Sabi ko naman sa kanya, hindi naman para sa’yo ang pagbabagong iyon eh. Kundi para sa susunod na lipi. Ibig sabihin lahat ng ginawa mo ngayon hindi para sayo kundi para sa susunod sa ‘yo. Para pagdating nila maayos na ng namumuno ang mga mali nila. Ang mga nagyari ay di na maaring balikan. At ang mga maling ginawa ay hindi na mabubura sa isipan ng kasalukuyan. Ilang taon ba bago nakamtan ng Pilipinas ang Kalayaan? Nuon bang umaga pagkatapos barilin si Rizal Luneta? Hindi. Taon at dekada ang binilang bago tuluyang nakuha ng Pilipinas ang soveriegnty niya.

Kayat ibinalik sa ‘kin ni Rebel ang mga salitang “things happen for a reason”. Ano man ang dahilan kung bakit nag-iinarte ang laptop ko hindi ko alam. Wala na akong pakialam kung anuman. Natulog na lang ako ng mga oras na iyon at pinanalangin ko na lang na sana sa susunod na araw makakaisip ako ng magandang paraan.

Oo. Nang sumunod na araw saka ko lang naisip na hatiin sa dalawang tracks ang isang mahabang presentation. Nagkasya naman. Higit sa lahat na convert into movie file. Duon ko naisip na hindi lahat ng gustuhin natin ay nakukuha natin. Ang strategy ng paghahati sa dalawang tracks ay alam ko na iyan for years bakit hindi ko pa naisip kaagad. Minsan ang hinahanap pala natin ay nandidiyan lang sa tabi – tabi. Hindi na natin kelangan pang lumayo. Lahat ng nangyari ay isang test lang sa akin kung gaano ako katatag bilang tao. At kailangan natin ng mga taong maging tulay upang matawid natin anumang ating minimithi sa buhay. Dun ko rin naisip na sa pagtulong ko sa maraming tao naging watak-watak na rin ang sarili ko, ang puso ko, at ang concentration ko. Kelangan ko din palang pulutin lahat ng mga nagkalat kong sarili para mabuo ako muli. Hindi ko pala kayang ibigay ang lahat-lahat sa mga mahal ko sa buhay. Kailangan na tirhan ko rin ang para sa sarili ko. Dahil tao rin ako; nabubuhay tulad ng maraming mga taong tinulungan ko.

Oo. Pader nga ako. Kung sa pakiramdam ko babagsak na ako, nagkamali ako. Ang pader pag walang bubong nagiging marupok. Walang silong na lalaban sa init at ulan. Pero ako pader na may bubong. Ang bubong ko parati kong tinitingala. Nandidiyan sa taas; parating nakatingin, gumagabay, at pumuprotekta sa ‘kin. Ang Diyos. Ang bubong ko. Ang kanlungan ko.

Kahit anumang unos ang darating sa buhay ko; alam ko mananatili akong matatag... ako... pader...nanatili pa ring buo...

No comments: