Friday, April 3, 2009

Ang Lalaking Nagturo sa akin kung Paano maging Makabuluhan ang Buhay

Ilang beses ko na siyang nakita. Hindi ko matandaan kung ilang beses na nga. Ni hindi ko nga matandaan kung kelan ko siya unang nakita. Ang alam ko lang doon siya nagtatrabaho sa isang favorite restaurant ko. Familiar lang siya at first sa ‘kin. Siyempre kung ilang beses akong pabalik-balik doon para kumain. Siguro alam din niya na parati ako doon kumakain sa pinatatrabahuhan niya.
Na-aantay ako nang order ko ng mga sandaling iyon. Nakikita ko siyang pabalik-balik sa loob ng restaurant. May bitbit na kung anu-ano. Tray na lagyanan ng pinagkainang plato at mga kubyertus. Tapos palipat – lipat din siya table na inaayos. Lumapit siya sa table ko at pinunasan niya ito. Tinititigan ko kung ano ang mga ginagawa niya. Nag-ispray siya ng konting tubig sa basahan saka pinunas uli sa table ko.
Habang nagpupunas siya napansin ko ang mga malalaking ugat sa kamay niya. Binaling ko ang tingin sa kamay ko. Wala masyadong ugat. Binalik ko ang tingin sa mga kamay niya, ang lalaki nang mga daliri. Mukhang namamaga. Naalala ko tuloy ang kwento ng dalawang matalik na magkaibigan. Yung isa nais niyang mag-aral. Yung isa naman nais lang magtrabaho. Dahil kapos din sa pera ang isang nagnanais na mag-aral e humingi ng tulong sa kaibigan. Pinagbigyan naman ng kanyang kaibigan ang kanyang hiling. Nagtapos sa kursong pagpipinta ang isa sa kanila. Sa loob ng mahabang taong pagpapakahirap ng isang kaibigan ay naging paralisado ang mga kamay nito. Minsan, nakita ni Pintor ang kaibigan niya na nanalangin. Nakatuon ang kanyang pansin sa dalawang kamay ng kaibigan na nakadikit ang mga palad. Pilit na pinagtutugma ang mga daliri nito. Inilarawan ng Pintor ang hirap na dinanas ng kaibigan niya. Kulubot na mga kamay. Magang mga daliri. Baku-bakung palad. Malalaking ugat. Larawan ng isang pagod na kamay. Ngunit para sa kaibigan ng pintor isang karangalan na natunlungan niya ang kaibigan sa hangarin nito. Ang larawang iginuhit ng Pintor diumano’y pinagsimulan ng tanyag na likha na “The Praying Hands”. Hindi ko lang matandaan kung saang libro ko nabasa ang kwentong iyon. Ngunit malaki ang dinulot na aral sa akin. May mga taong handang magsakripisyo para sa atin.
Natigil ang pag-iisip ko nang dumaan na naman ang the same na lalaking may hawak ng tray at iniipon niya ang mga naiwan sa mesa sa bandang kaliwa ko. Nakatalikod siya at napansin kong may mga bahid ng dumi ang damit niya. Wala siyang apron kaya siguro natatapunan ng dumi. Pero sa likod iyon. Nang humarap siya ganun din. May manaka-nakang dumi kumakalat sa damit niya. Naalala ko tuloy ang pelikulang “Slamdog Millionaire” na hakot awards sa Oscars. May isang eksena doon na hindi mo aakalaing isasama sa palabas kasi nga masyadong yucky. Tumalon ang bida sa balong may dumi ng tao. Wala na siyang choice noon para maka escape sa kinaroroonan niya makapagchance lang siya na makita ang idolo niyang artista. Kakahiya man, eh ano ngayon. Nakalapit naman siya sa idolo niya nagpag-autograph. Marami sa atin ang ayaw sa madudumi. Pero may mga ibang tao diyan na dumi ang paraan ng ikinabubuhay. Ang tiyuhin ko noon tagalinis ng poso negro ng mga kapit bahay nila. Masyadong literal, ‘no? Pero ito wag ka. May mga mukhang sosyal na lugar na hindi kalinisan ang palikuran nila, ha! may iba namang tao na mukhang sosyal lang pero ang totoo ang ikinabubuhay nila ay ang pagbebenta ng aliw. Isang maduming gawain din. Buti pa itong lalaking ito sa restaurant, madumi man ang damit panlabas na hitsura lang. Marangal naman kasi ang trabaho niya.
Lilipat sana siya sa isa pang mesa nang biglang tinawag siya ng isang kasamahan. Lumingon ito at dali-daling pumunta sa kinaroroonan ng tumawag. Sa hindi inaasahan ay kamuntik siyang madulas. Buti na lang nakakapit siya isang upuan. Tiningnan ko ang sahig. Hindi naman madulas ah. Hindi naman basa ang tiles. O baka style lang niya pang-agaw pansin. Naalala ko tuloy ang text sa ‘kin ng isa kong kaibigan. Nagsagutan daw sila ng superior niya dahil sa text. Sa kung anong pagkakataon na tinitext siya ng estudyante niya tungkol sa isang bagay about her superior. Sa hindi inaasahang pagkakataon ang message na para sana sa estudyanter niya ay napunta sa superior niya. Buti na lang ‘kamo hindi siya nadulas ng pagsasabi ng kung anu-anong negative things about her superior. Pero parang lumalabas pa rin na idinidiin niya ang superior niya sa estudyante niya. Minsan kasi hindi natin maiwasang hindi madulas. Ako. Ilang beses na akong nadudulas sa mga sinasabi ko. Minsan nga masasakit na salita pa ang lumabas sa bibig ko eh.
Natigil na naman ako sa pag-iisip nang biglang may narinig ako na boses at tinatawag niya akong: “Sir, narito na po order niyo. May kulang pa po ba sa order niyo?” ang lalaki sa restaurant ang naghatid sa akin ng order ko. Kaya pala siya tinawag ng kasamahan niya. Sumagot ako ng thank you. Tapos nakafocus na ako sa food ko kasi gutom na gutom na rin ako. Habang ninanamnam ko ang noodles na inorder ko naalala ko ang kwento nuong bata pa ako. Tuwing may bertday sa amin dapat daw pansit para long life. Oo nga naman. Kaya ako kahit hindi ko bertdey long life pa rin. Wala akong choice yun lang ang kaya kong bayaran eh. Pero kahit papaano pinagsisilbihan pa rin ako ah. Naghihintay lang ako na dumating ang pagkain sa harap ko. At least mainint naman ang pagtanggap ng crew nag restaurant sa ‘kin. Kasing init ng sabaw ng noodles na hinihigop ko. Sinabayan pa ng ice cold na tea paghigop ko. Hindi kaya masisira ang internal organs ko dahil dalawang elemento ang dumadaan sa esophagus ko bawat higop ng sabaw at lagok ng iced tea?
Pero kahit papano natupad naman ang pangarap ko na makaahon sa restaurant na iyon. Siyempre alal na ‘kong perang pambayad pag nag add pa ‘ko ng order. Dinaanan ko ang lalaking nagsilbi sa akin sa isang mesang naglilinis. Nilingon niya ako at ngumiti sabay sabi ng: “Sir.” Hindi ko alam kong tama ang pagkakadinig ko. Masyado namang malabo kung sinabi niya “mam” di ba? Ngiti lang din response ko. Habang naglalakad ako palabas ng restaurant naisip ko ang mga nangyari. At mga nakikita ko. Kahit gaano mang hirap ang dinadaanan niya sa mahabang araw ng pagtatrabaho sa restaurant na iyon at pagsisilbi sa customer nila, hindi pa rin niya nakakalimutang ngumiti.
Siguro nasa puso niya pa rin ang kahalagahan ng pagngiti at pagbibigay pugay sa mga taong nakakasalamuha niya. Gaano man kahirap ng buhay buhay niya bilang trabahador na pinatutunayan naman ng kanyang mga kamay; gaano man kadumi ng basahan , o plato, o kubyertos na hinahawakan niya; gaano man kadulas ng sahig na aapakan niya; pagsisilbihan pa rin niya ang bawat customer na pumapasok sa restuarant nila. At babaunan pa niya ito ng isang ngiti para bumalik.
Mga bagay sa lalaking ito na nagturo sa ‘kin kung paano maging makabuluhan ang buhay. Kung ikukumpara sa akin; walang bahid peklat ang kamay, walang kalyo, malinis nakaalkohol pa minsan, hindi madulas ang inaapakan, at higit sa lahat pinagsisilbihan. Wala na dapat akong dahilan pa para maging malungkot at magreklamo sa nagyayari sa akin. Siya pinapahalagahan ang lahat na nagyayari at dumarating sa kanya. Kaya naging makabuluhan ito. Kaya naging makabuluhan ang buhay para sa kanya. Dapat ako din. Pahahalagahan ko din ang bawat bagay at pagkakataon na dumarating sa akin. At iconsider ko itong makabuluhan sa buhay ko. Para maging makabuluhan din ang buhay ko...

No comments: