Ano ba ang pag-ibig para sa isang tao? Bakit may pagkakataong magkakahawig ang mga kwento ng ilan? Itong kwentong ibabahagi ko sa inyo ay kwento ng tatlong babaeng may iba’t ibang karanasan, ngunit nauuwi lahat sa isang pakikipagsapalaran ng puso. Mga pusong nais magmahal at mahalin.
Ang Kwento ng Babaeng Puno ng Puso
Tatawagin natin ang babaeng ito sa pangalang Aphrodite. Siya ay isang simpleng babae. Katamtaman ang pangangatawan, ang taas, at ang ganda. Isang masigasig na estudyante. Hindi man nagunguna sa klase, hindi naman pahuhuli. Siya ang tipo ng babaeng hindi mo aakalaing mamahalin ng isang mabait, matangkad,matalino, mayaman at higit sa lahat gwapong lalaki. Tatawagin natin ang lalaking ito sa pangalang Achilles. Hindi dahil siya ay isang magiting na warrior at anak ng diyos-diyosan kundi magiting na mangingibig at anak ng may de-kalibreng pamilya. Literal na may kalibre. Ama lang naman niya ang namumuno ng isang Security Agency. Si Achilles sa simula ay kaibigan or matalik na kaibigan ni Aphrodite. Mga ilang taon din sila sa ganitong sitwasyon. Inaalalayan ni Achilles si Aphrodite sa lahat ng bagay. Tinitext araw-araw, gabi-gabi. Tinatawagan mula umaga hanggang sa susunod na pagbukas ng bukang liwayway. Pinapayuhan, pinapapaalalahanan, inaalam kung kumain na siya, nakauwi na siya sa kanila, kung nakapagalmusal, tanghalian, o hapunan na siya. Naipakilala na ni Aphrodite si Achilles sa pamilya niya. Ganun din si babae sa pamilya ni lalaki.
Kinikilatis ni Achilles bawat lalaking lumapit kay Aphrodite. Minsan nagkasakit si Achilles, nais niyang bisitahin siya ni Aphrodite. Para maipakita ang concern ni babae, pumunta rin ito at inalagaan. Sa tuwing hinahawakan ni Achilles ang mga kamay ni Aphrodite, ramdam ni babae ang init ng pagmamahal na nagmumula sa kaibuturan ni lalaki. Isang paglalambing ‘ika nga ni lalaki. Ngunit ang lambing na iyon ay hindi lamang nagtatapos sa isang hawak; nariyan ang paminsan-minsang pag-akbay; manaka-nakang paghawak sa balikat na nauuwi sa yapusan. Ang mga bagay na iyon ay nagbunga ng isang maliit na “spark”. Isang maliit na “spark” na naging sapat na dahilan upang malaman nilang mahal nila ang isa’t isa hindi lang bilang kaibigan. Kundi higit pa sa pagiging magkaibigan. Pagmamahal na hindi maaring ipagyabang at ipagkalat.
Ni halos ayaw nilang aminin sa isa’t isang nagmamahalan sila. Dahil sa may kung anong bagay na pumipigil sa kanila upang pagyabungin ang pagmamahalang yaon. Hindi dahil matalik silang magkaibigan. Hindi dahil ayaw nilang masira magandang simula ng kanilang pagkakaibigan. Kung hindi, si Achilles ay may minamahal na ding iba. Si Venus. Mas nauna sa buhay ni Achilles na maging kasintahan. Isang lehitimong kasintahan. Alam ng mga kaibigan nila, alam ng pamilya nila, alam ng buong madla, at mas lalong alam ni Aphrodite.
Ngunit paano ba pipigilin ang isang nag-aalab na damdamin? Damdaming nag-aapoy mula sa puso ng dalawang nagmamahal na pilit na iwinawaksi ngunit nakadikit sa kailalimlaliman. Paano ba kakayanin ni Achilles ang mahalin ang dalawang babae ng sabay? Paano kakayanin ni Aphrodite ang isang bawal na pag-ibig? Paano niya sasabihin sa kanyang mga kakilala na ang iniibig niya ay pag-aari na ng iba? Paano niya aaminin sa sarili niya na ang kanyang minamahal ay may mahal ding iba? Paano niya malalagpasan ang hamon ng pagpigil sa sariling damdamin na mahalin ng labis ang matalik niyang kaibigan. Kaibigang espesyal. Kaibigang ayaw siyang mawala sa tabi niya pag wala si Venus. Isang kaibigang sa maraming minsan ninakawan siya nito ng halik. Isang kaibigang minahal niya ng labis.
Sa kabilang banda, paano tatanggapin ng isang nagmamahal ang kanyang minamahal ay may mahal ding iba? Paano niya susugurin ng sampal ang babaeng pinuproteksyunan din ng mahal niya. Paano matatanggap ni Venus ang katotohanang dalawa sila sa buhay ni Achilles.
Kawawang Venus, niloloko lang ng kanyang sinisinta. Kawawang Achilles, biktima ng pag-ibig na nahahati sa dalawa. Kawawang Aphrodite, naiipit sa gitna ng pag-ibig at pag-aalinlangan. Si Venus, ipinagtatanggol ni Achilles sa harap ninuman. Si Aphrodite ipinagtatanggol lamang ni Achilles sa karimlan.
Si Aphrodite, isang aninong mangingibig lamang, nagtatago sa kabihasnan…
Ang Kwento ng Babaeng Tagapagtanggol ng Kaalaman
Tatawagin natin ang babaeng ito na si Athena. Isang babaeng maganda, matalino, at may ipinaglalabang prinsipyo. Ang babaeng punong-puno ng wisdom. Siya ang babaeng kayang-kayang itago ang totoong nararamdaman. Madalas ay naikukubli niya ang totoong emosyon sa kanyang mga tawa at ngiti. Isang palabiro, masayahin, mahilig kumain at ang tanging kaligayahan sa buhay ay tumulong. Opo, tumulong!
Tumulong sa kanyang mga kapwa mag-aaral. Na minsan ay napagkakamalan siyang masyado siyang nagmamarunong. Tumutulong din siya sa kanyang mga guro. Na minsan ay napagkakamalan siyang sipsip. Tumutulong din siya sa kanyang mga kaibigan. Na minsan ay napagkakamalan siyang masyado kung makialam. Pero magkaganun pa man ay natatayo pa rin niya ang kanyang sarili at ta-as noo pa rin niyang nilalabanan ang anu mang dagok na dumarating sa kanyang buhay. Oo, kinakaya niya lahat. Aniya, pangalawang pagkakataon na niya ito sa kolehiyo. Tapos na siya ng Komersyo, ngunit nais pa rin niyang maging magaling na chef. At kahit anong init ng kalan pilit niyang nilalabanan. Kahit anong lamig ng yelo pilit niyang sinisisid makuha lang ang tamang timpla.
Ngunit sa isang banda, may isang laban si Athena na hindi niya matalo-talo. Parang isang mainit na kawa na puno ng mantika; pumuputok-putok tila sinusunog ang kanyang kalamnan. Parang isang galong frozen iced tea, nais na i-freeze ang kanyang damdamin. Ang laban na iyon ay patungkol sa isang pag-ibig. Opo, PAGIBIG! Pag-ibig sa isang lalaking mayroon nang komitment sa buhay. Hindi lang talaga tiyak kung anong klaseng komitment meron siya. At tatawagin natin ang lalaking ito na si Bacchus. Si Bacchus tinuturing na matalik na kaibigan ni Athena. Si Athena tinuturing din na matalik na kaibigan ni Bacchus. At maraming role ang ginagampanan ni Athena sa buhay ni Bacchus: hingahan ng sama ng loob ni Bacchus; tagagawa ng kanyang mga assignments, projects, at kung anu-ano pa. Paminsan-minsan ipinagluluto nito ng kung anu-anong pagkain. Kinakaibigan din ni Athena ang mga kaibigan niyang mga lalaki.
Sa paningin ni Athena mabait, magalang, matalino, may sense kausap, at higit sa lahat malinis sa katawan itong si Bacchus. At marami itong mga kaibigan. Ngunit habang tumatagal sila sa ganung set up, pinilit ni Athena alamin ang komitment nito. Ito ay komitment niya sa isang babae! Tawagin natin siyang Cassandra. Si Cassandra, isang babaeng nasa larawan lamang ng isipan ni Athena. Babaeng ni minsan ay hindi niya nakita. Nakilala lamang niya sa mga kwento ni Bacchus. Ayon sa kwento, hindi totoong may komitment si Bacchus kay Cassandra. O mas mabuting sabihin natin na hindi absolute ang komitment ni Bacchus kay Cassandra. Sabi nga ng mga malapit na kaibigan ni Bacchus, Cassandra is just a friend with benefits. Na matindi namang pinaniniwalaan ni Athena.
Ngunit umabot sa puntong si Athena nakatanggap ng text message mula kay Cassandra gamit ang cell phone ni Bacchus. Doon nagsimulang maging magulo ang pakikipagsapalaran sa pag-ibig ni Athena. Dahil matalino at ayaw masabihang nagpapakabobo sa pag-ibig, nagdisisyon ang diyosa na magdistansya kay Bacchus. Na siya namang tinututulan ni lalaki. Ayaw niya ng ganun. Gusto niya nandun ang si Athena sa paligid niya. Ngunit buo ang loob ni Athena na umiwas. At ang masaklap na katotohanan na gumigimbal kay Athena ay; sa bawat hakbang na ginagawa ng katawan niya papalayo kay Bacchus, dalawang hakbang naman pabalik ang humahatak sa kanyang puso pabalik.
Mahirap. Masakit. Mahirap dahil hindi alam ni Athena kung paano labanan ang isang taong hindi niya kakilala. Masakit dahil hindi niya alam kung may pagmamahal nga ba sa kanya si Bacchus. O kung may pagmamahal pa bang natitira sa puso niya.
Si Athena isang paru-paro, hindi kayang lumipad dahil tinatangay ng malakas na hangin…
Ang Kwento ng Babaeng May Matinding Kapangyarihan
Tatawagin natin ang babaeng ito sa pangalang Hera. Babaeng makapangyarihan. May nakapatong na korona sa ulo. Isang magiting na tagapagtanggol ng kanyang nasasakupan. At ang kanyang kaharian ay ang Panitikan. Siya ay ang babaeng punung-puno ng katalinghagaan. Ang kanyang mga salita tila isang musika. Ang kanyang mga balarila ay parang isang awit ng panghele sa isang sanggol. At magbibigay ito ng himbing sa kanyang pag-idlip. Siya ang babaeng may korona ng kadakilaan sa Literatura. At Literatura din ang magbibigay sa kanya ng sakit na mararanasan.
Katulad ng isang simpleng kabataan nuong kanyang kapanahunan, natuto rin si Hera maghanga sa kabilang kasarian. Bata at alipin ng kapangyarihang bumabalot sa kanyang katauhan, pilit nilabanan ni Hera ang tukso ng kamunduhan noong mga panahong hindi kalayuan. Nairaos niya ang kolehiyo na may makulay na katapusan. Nakipagsapalaran siya sa totoong mundo ng sangkatauhan at hindi naman siya binigo ng kapalaran. Naging maganda ang pakikitungo sa kanya ng lahi ni Adan.
At si Hera naglakbay mula sa panitikan hanggang sa totoong mundo, marami na ring naging karanasan. Kahit sabihin natin na siya’y may magandang kinaluklukan sa trabahong pinili, may kung anong kulang sa kanyang pagkatao. Duon nagsimula siyang maghanap ng bagay na aangkop sa kung anumang puwang sa kanyang katauhan. Minsan sa kanyang paghahanap, natisod siya at nakakita siya ng tala. Akala lang niya tala hindi pala. Isang lalaki ang kayang minulatan. Lalaking may kung anong pintig sa kanyang puso hanggang sa kaibuturan. Ah, ang lalaking iyon pala ay si Zeus. Si Zeus, mas makapangyarihan, mas dakila, at para kay Hera may mas malaking puso para sa nakakarami. Para kay Hera, si Zeus ay diyos ng mga hindi masyadong biniyayaan ng swerte. Kaya’t laking paghanga ang umiral sa puso niya ng malamang isang volunteer group member itong si Zeus. Pumupunta sila sa mga liblib na pook at doon ibinabahagi ang kung ano mang kaalaman na pwedeng maging ugat ng pag-asenso.
Doon umusbong ang isang pag-ibig na dati nang naramdaman ni Hera para kay Zeus. Dati pa nuong sila’y kolehiyo. At sa muli nilang pagkikita ay bigla na lang naramdaman ni Hera ang dagliang pagbukadkad ng pag-ibig sa kanyang puso para kay Zeus. Ang dating wala halos ngiti ay naging malarosas sa ganda. Lalo pa’t matamis ang dila ni Zeus. Isang hari ng panitikan si Zeus. Ano pa ba ang iisipin ni Hera? Bagay sila. Si Zeus ang Hari, siya ang Reyna.
Ngunit unti-unting nararamdaman ni Hera ang malayong damdamin ni Zeus. Naging masyadong abala si Zeus sa maraming bagay. Ang mga taong nangangailangan sa kanya, ang mga kaibigan, ang mga librong kinababaliwan. Bagama’t alam ni Hera na parang parati lang siyang pumapangalawa sa mga prayoridad ni Zeus, hindi ito naging dahilan para mag-isip siya nang kung anu-ano. Bagkus naging tapat pa siyang tagapaglingkod ni Zeus. Dahil siya ay alipin ng pag-ibig ni Zeus. Ang reyna isinuko ang koronang suot suyuin lamang ang puso ng minamahal.
Sa bawat pag-ibig laging may kaagaw o kahati. Si Hera ang kahati sa atensyon ni Zeus ay si Hades. Si Hades ay matalik na kaibigan ni Zeus. Kasamahan sa grupung kinasapian nito. Nung una hindi alintana ni Hera ang pagiging matalik nilang magkaibigan. Ngunit habang tumatagal naging palaisipan kay Hera ang pagiging concern ni Zeus kay Hades. Lalo na nang magkasakit ito. Ayaw ding maging masama ni Hera.
Pasensya man ay isang bukal na patuloy sa pagdaloy, nanunuyo rin pagwala nang tubig na panggagalingan. Tuyo’t na ang pag-asa ni Hera na mapansin ng may katotohanan ang kanyang nararamdaman.
Si Hera, isang diyosa ng panitikan, nasa kalangitan man, natatabunan ng kumpul-kumpol na kaulapan…
Si Aphrodite, si Athena, si Hera. Tatlong Babae. Tatlong makapangyarihan, ngunit alipin ng pag-ibig.
2 comments:
thank you!!!!!!!!!
sino po ang sumulat ng akdang ito??
ASAP po kasi kainlangan lng po sa project salamat po
Post a Comment