Kelan mo ba matatawag ang isang tao na pag-aari mo?
Sapat na ba na ikaw ay mahal niya at siya’y mahal mo?
O kung ikaw ay mahal niya ngunit iba ang tinitibok ng iyong dibdib mo?
O kung siya’y mahal mo ngunit iba ang nagmamay-ari ng kanyang puso?
Ano ba ang basehan ng iyong pagmamay-ari?
Siya ba ay nadiyan sa iyong tabi parati?
Siya ba ang nagpupunas ng luha mo tuwing ikaw’y umiiyak?
O baka naman siya ang dahilan kung bakit ang luha mo’y pumatak?
Bakit kailangan nating ariin ang isang tao?
Dahil kailangan natin ng tagapagtanggol tuwing may nanunukso?
Kailangan natin ng matatawag tuwing tatalikod ang buong mundo.
O dahil kailangan natin ng masasandalang espiritu…
Ngunit paano kung sa dinami-dami ng nagmamahal sa’yo wala ni isa sa kanilang masasabi mong iyo?
Pano kung lahat sila may nagmamay-ari na ng kani-kanilang puso?
Paano kung ang kaya lang nilang ibigay ay ang sandaling hindi sapat na pumawi ng iyong uhaw?
Paano kung ang tingin sa iyong larawan ay isa ka lang salimpusang ligaw?
No comments:
Post a Comment