(Inspired by a coffee commercial)
Minsan nakakatamad imulat ang aking mga mata.
Minsan nakakawalang ganang kumilos ang ihip ng hangin sa umaga.
Minsan nakakapanghina ang bukangliwayway-
na tagahatid ng mensahe ng araw na matalinghaga.
Ngunit sa tuwing naalala ko ang mga matang naghihintay ng aking ngiti;
Mga tenga nilang umaasang may bago na naming marinig;
Mga puso nilang muli’t muli’y may pananabik;
At mga isip nilang naglalakbay at nawiwili –
Sa maaari nilang matutunan sa bawat araw;
Sa mga aral ng buhay na kelangan ng tanglaw;
Sa mga malilikha nilang mundong balisawsaw;
At mga bagay na tunog bago at umaalingawngaw.
Kaya pilit kong nililisan ang aking higaan;
Inaayos ang aking sarili at katawan;
Ibinabalik ko sa aking katinuan ang aking kamalayan;
At inihahanda sa isang na namang pakikipaglaban.
Dahil alam kong may naghihintay sa akin;
Alam kong may umaasang mapansin;
Mga estudyante kong bagamat madalas ay pasaway;
Ngunit inspirasyon ang sa aki’y kanilang bigay.
Sila ang dahilan kung bakit ang araw koy masaya;
Kung bakit ang puso ko’y may sigla;
Kung bakit ang isip ko’y may halina;
At ang araw ko’y isang biyaya.
Para sa isang tulad kong guro, kaligayahan na ang makita ko-
Mga estudyante kong unti-unting natuto;
Sa mga araling itinakda sa araw na ito;
At sa mga aral ng buhay na magulo.
Ako, sa araw-araw na ginawa ng Diyos;
Ninanais kong bumangon at kumilos;
Ikaw, bumabangon ka ba para kanino?
Oh ano, ikaw naman ang magkwento…
No comments:
Post a Comment