Kahapon malakas na malakas ang ulan. Bitbit ko ang medyo may kalumaang payong. Pero kahit papaano okey pa naman. Napilitan akong habulin ang sarili kong mga paa para makauwi ng mas maaga.
Pababa ako ng skul ng hinarang ako ng isa kong estudyante. HRS student siya namin sa skul. Pinapatawag daw ako ni Ms. Razel. SI Ms. Razel teacher nila sa International Cuisine. May ihahain daw na sushi. Papatikim sakin kong pasado o hindi.
Pagkain! Syempre kumaripas ako papunta ng kitchen kung saan nagluluto ang mga estudyante. Wow! hitsura pa lang pasado na. Lalo pa ang lasa. Ang sarap! At para sa akin pasado nga...
Bigla kong namalayang pasado alas sais y media na ng gabi. Tinapos ko ang ikalabinlimang slice ng sushi sabay lagok ng iced tea sa baso at kumaripas ng takbo. Dumaan pa ako sa drugstore sa baba ng skul para bumili ng anti-fungal cream.
In short dumating ako sa terminal ng jip kung san may papunta sa'min pasado alas syete y media na nang gabi. Ala pang jip na nakaparada. At ang dami dami ding pasaherong nag-aabang. Sa awa ng Poong Ninuno sa Punso, nang dumating ang jip hindi ko maisiksik ang sarili ko sa kapal ng mga taong pumanhik sa jip. Ang kapal talaga ng mga tao at ang kakapal pa ng iba! Nasagasaan ba ako...
Dahil naaawa ako sa kanila, kaya ako na lang ang nagparaya. Inantay ko na lang na dumating ang isa pang jip. Pagkatapos ng ilang dekadang paghihintay, dumating na rin ang kulay puting jip at wala masyadong pasaherong nakaabang. Nakasabayan ko pa ang panlabimpitong pinsan ko sa kilikili.
Hay naku! An sarap matulog sa jip habang pinapagaspas ka nang malakas na hangin at sinasabayan pa ng malakas na ulan. Isama mo na rin dun ang pabugso-bugdung preno ng pasaway na drayber na akala mo na LBM.
At pagkatapos ng ilang siglo ay narating na namin ang aming lugar. Pero hindi pa iyon talaga ang lugar namin. Dahil kailangan pa naming tumawid sa hanging bridge na gawa sa kawayan at pinagdugtong dugtong na bakal na one inch ang laki. Bumaba kami ng pinsan ko sa jip at sinubukang tawirin ang tulay. Sa mabuting palad ay masyadong malakas ang hampas ng alon ng tubig sa ilog dulot ng nagngangalit na baha. Gumegewang-gewang ang tulay at hindi rin kami makababa sa kabilang panig dahil abot hanggang bewang ang tubig sa babaan.
Dahil ayaw rin namin parehong mamatay sa ilalim ng madlim na gabi at malakas na ulan, bumalik kami sa direksyon ng kanto papuntang alternative route number 1. Nag-abang kami ng jip duon. Sinuwerte naman kami at nakasampa kami sa jip di kalaunan. Sa alternative route number 1 kami dumaan. Paakyat sa bulubunduking parti ng lugar namin. Napakaganda ng daan. Lubak-lubak. Animuy dumadaan ka sa sungka board sa dami ng butas sa daan. Okey lang kesa naman hindi kami mauwi di ba? Pero hindi natatapos duon ang party. My dinaanan pa kaming ilog. Kahit papaano naman eh may overflow na concrete road. Duon sinubukan ng drayber ng jip na tumawid. Succesful naman! Ang sarap nga ng pakiramdam habang tumatawid eh! Alam mo yung pakiramdam na inaantay mo na lang hawiin ng malakas na alon ang jip at sasabay ka ding magpagulong-gulong sa baha. Magiging kafriendster, kafacebook, kaTwitter, kaFarmville,kaMySpace, kaUzzap, kaMultily, kaBlog at kaTag mo ang mga naaanod na tabla at mga kahoy at anik-anik pa mula sa bundok. O di ba exciting?
Nang dumating kami sa kanto kung saan papauwi na sa bahay namin ay nakaabang na duon ang traysikel na sumundo sa akin. Sa wakas at nakarating na rin ako sa bahay namin malapit na maghating gabi. Bumaba na si Darna, natulog na si Rosalinda at wala na akong naabutan kundi ang mga kahayupan nila Jose at Wally...
Kinabukasan, kinailangan kong gumising ng maaga dahil maaga din ang pasok ko.